Aminado ang isang maritime law expert na malaki ang magiging epekto sa China ng diplomatic protest na inihain ng Pilipinas kasunod ng insidenteng kinasangkutan ng fishing vessel nito sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni UP professor Dr. Jay Batongbacal na mapipilitan ang Beijing na sagutin ang protesta ng estado dahil tiyak na babalik din sa kanila ito kapag binalewala nila ang reklamo ng Pilipinas.
“Kapag hindi sila tumugon, hindi lang naman arbitration yung involved. Yung mismong compliance nila with other international rules, partikular na sa maritime.”
“Kung makita ng international community na hindi sila reliable na flag state baka hindi na lang sila makipag-trade sa China.”
Nitong araw nang aminin ni DFA Sec. Teddyboy Locsin Jr. na agad naghain ang gobyerno ng diplomatic protest sa China matapos i-ulat ng Department of Defense kahapon ang insidenteng nangyari noong linggo.
Bagamat mabuting hakbang daw ito ng gobyerno, hindi pa rin kumbinsido ang eksperto sa bantang pagputol ng Pilipinas ng diplomatic relations nito kapag napatunayang sinadya ng Chinese crew ang pagbangga sa bangka ng mga Pinoy.