Kung ang maritime law expert na si Dr. Jay Batongbacal daw ang tatanungin, posibleng nag-uusap na ang Pilipinas at China hinggil sa mga bagong lumutang na issue sa West Philippine Sea.
Ito’y kasunod ng serye ng diplomatic protest na inihain ng gobyerno kamakailan sa Beijing.
Nitong araw nang iutos ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. ang paghahain ng panibago na namang protesta sa China, dahil sa ulat na may namataang 9 na warship vessels na nag-trespass sa Sibutu Strait sa Tawi-Tawi.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Batongbacal na posibleng tinatalakay na ng mga Embahada ang tugon ng parehonG bansa sa nagdaang mga issue.
“May formal talks yan siguro, hindi lang isinasapubliko. Kasi naman yung pag-contact mo ng relations sa ibang bansa is tuloy-tuloy naman yan through the Embassies. Mayroon naman tayong Embassy sa Beijing. Malamang nare-raise na rin yan at sila sila na ang nag-uusap doon,” ani Batongbacal.
Mula noong Hunyo, apat na diplomatic protest na ang inihain ng Pilipinas sa China.
Bunsod ito ng insidente sa Recto Bank, pagdaan ng warships sa Sibutu Strait, presensya ng Chinese vessels malapit sa Pag-asa Island, at pag-iikot ng research vessels sa loob ng exclusive economic zone.
Pero sa kabila nito, walang pormal na tugon ang China maliban sa pahayag ni Ambassador Zhao Jinhua na hindi kumikilala sa ruling ng UN Arbitral Tribunal.
Para kay Batongbacal, mas mabuti ng naghahain ng protesta ang Pilipinas dahil habang hindi sumasagot ang Beijing ay may posibilidad na mawalan ng tiwala rito ang ibang estado.
“Pag patuloy pa rin silang lumalabag sa UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea) at hindi nila kinikilala ang international law, makikita nila na maiipit sila (China) at mga bansa na sumusunod sa UNCLOS ay magkakaisa sila eventually; kumbaga pagtutulong-tulungan nila yan. Maiipit yung kanilang (China) posisyon sa South China Sea.”
Ngayon buwan inaasahang tatalkayin ng dalawang bansa ang issue kasabay ng meeting ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Chinese Pres. Xi Jinping.