Mayroon pang apat na malalaking infrastructure projects na uutangin ng Pilipinas sa China na nagkakahalaga ng $1.9 billion.
Sinabi ni Department of Finance Undersecretary Mark Dennis Joven na ang nasabing halaga ay bukod pa sa $4.6 bilyon sa kasalukuyang isinasagawa sa gobyerno.
Kasalukuyan aniyang pinag-aaralan ng Export-Import Bank of China ang nasabing commercial loans para sa mga sumusunod na mga proyekto.
Ilan dito ay ang Davao-Samal bridge, Mindanao flood control, Subic-Clark railway at tatlong tulay sa Metro Manila.
Noong nakaraang taon aniya ay nailabas na ang nasa $620-milyon na halaga ng official development assistance (ODA) loans and grants mula sa China mula sa $4.6 bilyon na kasalukuyang proyekto.
Ilan sa mga proyekto na pinondohan ng China ay ang tulay sa Pasig river na itinayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Safe Philippines ng Department of Interior and Local Government (DILG), New Centennial Water Source-Kaliwa Dam mula sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System’s (MWSS) at ang Chico River Pump Irrigation project ng National Irrigation Administration.
Paglilinaw naman ni Joven na ang mga utang sa China ay pawang mga project-based habang ang Japanese official development assistance ay kinabibilangan ng budgetary support o program-based facilities.