-- Advertisements --

DND5

Tahasang pinalalayas muli ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang mga barko ng China na namataan sa Kalayaan Group of Island sa West Philippine Sea.

Aminado ang kalihim na ang presensiya ng mga Chinese maritime militia vessels sa lugar ay talagang target ng China na sakupin pa ang ilang maritime features na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas (EEZ).

Sa isang statement, sinabi Lorenzana na hindi siya “tanga” para paniwalaan ang paliwanag ng Chinese Embassy to the Philippines na ang kanilang mga barko ay nangingisda lamang sa lugar at nakisilong dahil sa sama ng panahon.

“The continued presence of Chinese maritime militias in the area reveals their intent to further occupy features in the West Philippine Sea,” pahayag ni Lorenzana.

Giit ng kalihim, maganda ang panahon sa nasabing lugar kaya dapat lamang umalis na ang mga ito.

Bumwelta naman si Sec Lorenza sa naging pahayag ng Chinese Embassy na ang pagbalewala ng China sa international laws, partikular ang United Nations Convention on the Law of the Sea ay nakakagulat na pahayag.

Bilang tugon sa pahayag ng China ayon sa kalihim, ang Philippine claims sa West Philippine Sea ay mananatili. Aniya, “we will stand on solid ground.”

Pinaalalahanan din ni Lorenzana ang China na sa ilalim ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea obligasyon nito na hindi magsagawa ng anumang aktibidad na nakakaistorbo sa regional and international peace and security.