-- Advertisements --

Muling iginiit ng China na bahagi ng kanilang teritoryo ang pinag-aagawang Spratlys Island o tinatawag nilang Nansha, na nasa West Philippine Sea o South China Sea.

Sinabi ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Lu Kang, walang mali sa pananatili doon ng mga mangingisdang Tsino dahil bago pa man nagkaroon ng ibang claimant, namamalakaya na roon ang kanilang mga kababayan.

Ang pagsasalita ng opisyal ay kasunod ng batikos mula sa ilang grupo at mambabatas sa Pilipinas ang namataang Chinese vessels sa paligid ng West Philippine Sea.

Aabot sa halos 300 sasakyang pandagat ang nai-record ng militar sa nasabing parte ng dagat sa loob lang ng ilang araw.

Pero tiniyak ng Chinese official na patuloy na nakikipag-ugnayan ang Beijing sa mga pinuno ng ating bansa para mapanatili ang kapayapaan sa nasabing lugar.