Muling nanawagan ang China sa Pilipinas na tigilan na ang mga provocation umano ng ating bansa sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag sinabi ni China’s foreign ministry spokesperson Wang Wenbin na dapat na umanong harapin ng Pilipinas ang mga katotohanang kanila umanong inilalatag kaugnay sa mga usapin sa West Philippine Sea.
Ang mga pahayag na ito ng naturang Chinese official ay kasunod ng sinabi ng Department of Foreign Affairs na magkakasa ito ng imbestigasyon sa mga iligal at labag sa batas na mga aktibidad ng mga Chinese diplomat sa Pilipinas.
May kaugnayan pa rin ito sa wiretapping issue patungkol sa paglalabas ng transcript at recording ng umano’y phone call conversation ng isang Chinese official at mataas na opisyal ng Hukbong Sandatahan hinggil sa umano’y new model agreement sa Ayungin shoal.
Magugunita na tila nagkaisa ang mga opisyal ng Pilipinas sa pagsegunda sa panawagan nina Defense Secretary Gilberto Teodoro, at National Security Adviser Eduardo Ano na patalsikin ang sinumang sangkot sa naturang wiretapping issue na maituturing na malaking paglabag sa batas ng Republika ng Pilipinas.