Muling pinagsabihan ng China ang Pilipinas at Amerika kaugnay sa military cooperation ng dalawang bansa.
Ito ay matapos na aprubahan ng US Congress ang $5.58 billion sale ng F-16 fighter jets para sa Pilipinas, na ayon sa US State Department ay magpapalakas pa sa seguridad ng ating bansa.
Iginiit ni Chinese Foreign Ministry Guo Jiakun na hindi dapat targetin ang anumang third party o makasira sa kanilang interest ang anumang defense o security cooperation sa pagitan ng Pilipinas at ibang bansa.
Dagdag pa ng Chinese official na hindi dapat ito maging banta sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon o makapagpalala ng tensiyon sa rehiyon.
Binigyang diin pa ni Guo ang karaniwang posisyon ng China sa tuwing nagkakaroon ng panibagong military cooperation ang US at PH.
Nagpasaring din ito kung sino ang tunay na nagpapasidhi ng apoy, kung sino ba talaga ang naguudyok ng military confrontation at kung sino ba talaga ang ginagawang ‘powder keg’ ang Asya? Hindi din aniya bulag dito ang mga bansa sa rehiyon.
Bago nga ang panibagong pahayag na ito ng China, nauna ng kinumpirma ng Amerika na pinayagan nito ang foreign military sale ng 20 units ng F-16 fighter jets para sa Pilipinas na nagkakahalaga ng $5.58 billion o katumbas ng tinatayang P319 billion.
Ito ay kasunod na rin ng paghiling ng ating bansa na bumili ng 16 na units ng F-16 C Block 70/72 aircraft at apat na units ng F-16 D Block 70/72 aircraft. Kabilang din sa military package ang iba’t ibang weapon systems, radars, guided missile launchers at iba pang kagamitang pandepensa.