Muling pinatatanggal ng China sa Pilipinas ang Typhon missile launcher ng US na nasa bansa.
Ito ay kasunod ng paglilipat sa naturang weapon mula sa Laoag airfield patungo sa hindi tinukoy na lokasyon sa Luzon, base sa isang senior PH government source nitong Huwebes.
Sa isang press conference sa Beijing, sinabi ni Chinese foreign ministry spokesperson Mao Ning, na muling hinihimok ng kanilang gobyerno ang PH na makinig sa panawagan umano mula sa regional countries at mamamayan ng bansa na itama ang mali sa lalong madaling panahon, agad alisin ang Typhon missile system gaya aniya ng ipinangako sa publiko at itigil ang pagtahak sa maling landas.
Ayon pa sa Chinese official, bunsod ng deployment ng US Typhon missile launchers sa rehiyon, lumilikha aniya ang PH ng tensiyon at salungatan sa rehiyon at nag-uudyok ng geopolitical confrontation at arm race.
Pinuna din ni Mao ang US sa umano’y pakikialam nito sa maritime issues sa disputed waters. Ito ay kasunod ng kamakailang pahayag ni US Secretary of State Marco Rubio na nagpapatibay sa ironclad commitment ng Trump administration sa Pilipinas sa gitna ng mapanganib na aksiyon ng China sa disputed waters.