Nag-deploy ang China ng malaking bilang ng mga barko nito patungo sa Bajo de Masinloc shoal sa bahagi ng West Philippine Sea.
Isang araw ito bago ang nakatakdang pagkakasa Civilian supply mission ng Atin Ito Coalition para magpaabot ng donation supplies sa mga mangingisda at maglagay din ng mga buoy sa naturang lugar bilang bahagi ng pagbibigay-diin na pag-aari ng Pilipinas ang West Philippine Sea.
Sa kaniyang online platform ay ibinahagi ni dating US Air Force official at former Defence Attaché Ray Powell na batay sa kaniyang naging monitoring ay tila bumubuo ng blockade ang mga barko ng China upang harangan ang Bajo De Masinloc shoal.
Aniya, ang naturang mga barko ng China na idineploy sa nasabing lugar ay kinabibilangan ng apat na mga barko ng China Coast Guard at 26 na malalaking barko ng Chinese Maritime Militias.
Batay sa pagtataya ng naturang Maritime expert, ito na aniya ang pinakamalaking blockade na kaniyang namataan sa ngayon sa naturang lugar.
Tila nagpapahiwatig aniya ito ng determinasyon ng China na ipatupad ang kanilang claim sa lugar na nasasakupan ng teritoryo ng Pilipinas.
Kung maaalala, una nang binigyang-diin ng Atin Ito Coalition na alinsunod sa international law ang kanilang ikakasang misyon nito sa West Philippine Sea na layong itaguyod ang karapatan at soberanya ng ating bansa sa naturang teritoryo na pilit na inaagaw ng China.