Kumakalat ngayon ang mga espekulasyon sa social media kaugnay sa umano’y bagong epidemic o virus outbreaks sa China.
Ilang socmed user kasi ang nagbahagi ng mga video ng mga ospital na puno ng mga pasyente maging ang crematories sa China bunsod umano ng mabilis na pagkalat ng “multiple viruses” kabilang ang human metapneumovirus (HMPV), Mycoplasma, Pneumonioae at COVID-19.
Isang user naman ang nagsabing nagdeklara na umano ang China ng state of emergency.
Subalit ang mga claim na ito ay walang konkretong ebidensiya sa ngayon. Maging ang Chinese health officials o World Health Organization (WHO) ay walang kumpirmasyon kaugnay sa bagong epidemic o deklarasyon ng state of calamity.
Ayon sa Financial Express, ang respiratory virus na HMPV na inisyal na nadiskubre noong 2001 ay tumaas sa hilagang parte ng China lalo na sa mga edad 14 anyos pababa. Saad pa nito na ang acute respiratory infections partikular na ang HMPV ay tumaas base sa datos mula Dec. 16 hanggang 22.
Kaugnay nito, nagkasa ang National Disease Control and Prevention Administration of China ng case verification at laboratory reporting.
⚠️ BREAKING:
— SARS‑CoV‑2 (COVID-19) (@COVID19_disease) January 1, 2025
China 🇨🇳 Declares State of Emergency as Epidemic Overwhelms Hospitals and Crematoriums.
Multiple viruses, including Influenza A, HMPV, Mycoplasma pneumoniae, and COVID-19, are spreading rapidly across China. pic.twitter.com/GRV3XYgrYX
Samantala, sinusubukan din ng Bombo Radyo na hingan ng kumpirmasyon ang World Health Organization at bigyang linaw ang isyu sa umano’y virus outbreak sa China.