Naglunsad ang China ng military drills sa palibot ng Taiwan nitong Lunes ayon sa Defense Ministry ng Beijing.
Dito, nagpadala ang China ng warships at fighter jets para palibutan ang self-ruled island.
Tinawag ng China ang naturang war games bilang Joint Sword-2024B na layuning suriin ang joint operations capabilities ng mga tropa ng People’s Liberation Army (PLA) Eastern Theater Command .
Ayon kay PLA Eastern Theater Command spokesperson Captain Li Xi, isinagawa ang naturang military drills sa mga lugar sa hilaga, timog at silangang bahagi ng Taiwan Island.
Nakapokus din aniya ang pagsasanay sa sea-air combat-readiness patrol, blockade o pagharang sa pangunahing mga daungan at lugar gayundin ang assault sa maritime at ground targets.
Kaugnay nito, sinabi ng China na ang military drills nito ay magsisilbing matinding babala laban sa separatist acts ng mga nagsusulong ng independence o kasarinlan ng Taiwan. Isa din aniya itong lehitimo at nararapat na operasyon para protektahan ang soberaniya ng estado at pambansang pagkakaisa.
Ang panibagong military drills na inilunsad ng China ay sa gitna ng adhikain nito na pwersahang maibalik sa ilalim ng control nito ang Taiwan na itinuturing nitong bahagi ng kanilang teritoryo. Ginawa din ng China ang naturang pagsasanay kasunod ng mga pahayag ni Taiwan President Lai Ching Te na tututulan nito ang annexation ng isla at iginiit na hindi subordinate sa isa’t isa ang China at Taiwan kasabay ng 113th National Day ng Taiwan noong Oktubre 10.