Nagmatigas ang Chinese government na hindi sila makikibahagi sa ikalawang yugto ng imbestigasyong isasagawa ng World Health Organization (WHO) sa pinagmulan ng COVID-19.
Nais kasing malaman ng WHO kung totoo nga bang galing sa virus leak mula sa laboratoryo sa Wuhan ang nasabing virus.
Sinabi ni Zeng Yixin, deputy head ng National Health Commission, na nakakabigla na ang laboratory leak ang siyang nakalista sa research objective sa isasagawang pananaliksik ng WHO.
Ayon pa kay Yixin na ang imbestigasyon ng WHO ay tila wala ng common sense at ito ay hindi naaayon sa science.
Iginiit pa nito na walang mga empleyado ng Wuhan Institute of Virology ang nagkasakit dahil umano sa leak.
Magugunitang inilabas ng WHO noong Marso ang initial report nila sa imbestigasyon ng pinagmulan ng COVID-19 at lumalabas na maaaring galing ito sa hayop bago nakahawa sa mga tao sa China noong Disyembre 2019.