Nagmatigas ang China na ilegal at walang bisa ang 2016 Arbitral Award na nagbasura sa malawakang claims nito sa pinag-aagawang karagatan at pinagtibay ang sovereign rights at hurisdiskiyon ng Pilipinas sa exclusive economic zone.
Sa statement ng tagapagsalita para sa Chinese Embassy sa Maynila ngayong araw, tinawag ng embahada ang arbitral award bilang isang political circus na nagpupustura umano bilang isang legal na aksiyon.
Iginiit din ng embahada na hindi kinikilala at hindi kailanman tatanggapin ang naturang award.
Sa halip, hinimok nito ang Pilipinas na igalang umano ang commitments nito, itigil ang pag-hype sa tinawag nitong illegal award at bumalik sa tamang landas ng bilateral negotiation para maayos ang gusot.
Samantala, kasabay naman ng pagdiriwang ng ikawalong anibersaryo ng makasaysayang panalo ng Pilipinas sa arbitration case laban sa China, pinagtibay ng mga gobyerno ng ibang bansa sa pamamagitan ng kanilang ambassadors ang kanilang suporta sa iginawad na arbitral award sa PH bilang final at legally binding.