Nagmatigas ang China sa pag-aangkin nito sa umano’y kanilang teritoryo sa pinagtatalunang Scarborough shoal.
Ito ay 2 araw ang nakakalipas mula ng lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 2 batas na Maritime Zones Act at Archipelagic Sea Lanes Act na tumutukoy sa mga karagatan ng bansa at nagtatakda ng fixed lanes para sa mga dayuhang barko na nagresulta ng panibagong pagtuligsa mula sa China dahilan kayat pinatawag nito ang Philippine Ambassador to China.
Sa isang statement, sinabi ng Chinese Foreign Ministry na nagtakda at nag-anunsyo umano ito ng mga baseline ng territorial sea na katabi ng Scarborough shoal o tinatawag ng Beijing na Huangyan Dao
Mariin namang tinutulan ng China ang mga aksiyon ng gobyerno ng PH na lubhang lumabag umano sa kanilang territorial sovereignty, maritime rights at interest sa disputed waters.
Inakusahan naman ng China Coast Guard sa isang statement nitong Linggo ang Pilipinas na madalas na nagpapadala ng mga military at coast guard vessels para manghimasok umano sa karagatan at himpapawid malapit sa Scarborough shoal na nagdudulot umano ng gulo at mga probokasyon.
Sa huli, nangako ang China na ipagpapatuloy nito ang pagpapalakas ng pagpapatroliya at law enforcement nito sa territorial sea ng Scarborough shoal at iba pang karagatan.
Ang Scarborough shoal o karaniwang tinatawag ng PH bilang Bajo de Masinloc ay parte ng Pilipinas dahil saklaw ito sa lagpas 200km zone. Subalit simula taong 2012, kinubkob ito ng China at simula noon pinanatili nila ang presensiya ng kanilang mga barko sa lugar at pinagbawalan ang mga Pilipinong mangingisda.