LAOAG CITY – Nagpaabot na rin ng tulong ang bansang China sa Ilocos Norte dahil sa magkasunod na pananalasa ng bagyong Ineng at “Jenny” sa lalawigan.
Personal na pumunta si Chinese Consul Zhou Youbin sa provincial capitol at ibinigay ang 600 family packs na ipamahagi sa mga naapektuhang residente sa Ilocos Norte.
Nagpasalamat naman si Governor Matthew Marcos-Manotoc sa gobyerno ng China dahil sa ipinaabot nilang tulong sa lalawigan.
Samantala, sinabi naman ni Provincial Social Welfare and Development Officer Mrs. Lilian Rin na ang unang mabibigyan ng tulong mula sa China ay ang mga pamilyang lubhang naapektuhan ng kalamidad.
Una namang naiulat na umaabot na sa mahigit P1.16 bilyon ang halaga ng mga nasira sa lalawigan dahil sa pananalasa ng bagyong Ineng.
Sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), umabot na sa P1,666,521,683.38 ang naitalang inisyal na halaga ng mga nasira sa imprastraktura at agrikultura sa lalawigan dahil sa kalamidad.
Ayon sa PDRRMO, umabot na sa P25,149, 290.84 naitalang pinsala sa mga pananim na palay; (corn) P1,309,859.25; (high value commercial crops) P3,843,251.29; (fisheries) P6,377,200.00; (livestocks) P7,56,339.00; at (agri-infra) P122,600,000.00.
Sa kabilang dako, tinataya namang nasa P999,674,743 ang inisyal na halaga ng mga napinsala sa infrastructure kung saan sa roads/buildings/bridges ay pumalo na sa P727,594,743; irigation facilities nasa halagang P269,580,000 at school buildings ay naitala ang P2,500,000 damages.