-- Advertisements --

Nagpadala na umano ang China ng isang team na kinabibilangan ng mga medical experts sa North Korea upang madetermina ang totoong lagay ng kalusugan ni North Korean leader Kim Jong-un.

Sinasabing umalis sa Beijing nitong Huwebes patungong Pyongyang ang delegasyon, na pinangungunahan umano ng isang senior member ng International Liaison Department ng Chinese Communist Party.

Una nang lumabas ang ulat ngayong linggo na nagpapagaling na raw si Kim matapos sumailalim sa cardiovascular procedure noong Abril 12.

Humina raw ang resistensya ni Kim nitong mga nagdaang buwan na umano’y dulot ng kaniyang paninigarilyo, katabaan at sobrang pagtatrabaho.

Gayunman, minaliit lamang ng US intelligence ang naturang balita, dahil malayo raw na may dinaranas na sakit ang North Korean leader. (Reuters)