Pinaplano ng China na magtayo ng isang struktura sa pagitan ng Pagasa Island at Subi reef sa West PH Sea sa desperadong hangarin nito na baligtarin ang desisyon sa 2016 Arbitral award na nagpapawalang bisa sa claims ng China.
Ito aniya ang dahilan kung bakit gumagawa ng mga kwento ang China tungkol sa WPS kabilang ang kamakailang claim ng Chinese embassy na inaprubahan umano ng DND at NSC ang isang new model o common understanding sa China kaugnay sa resupply mission ng PH para sa mga nakaistasyon na tropa ng bansa sa BRP Sierra Madre sa Ayungin shoal.
Subalit itinanggi ito ng opisyal at sinabing ito ay walang katotohanan, katawa-tawa at kolokohan lamang.
Nilinaw din ng opisyal na pagpkatapos ng courtesy call ng Chinese Ambassador sa kaniyang opisina noong unang bahagi ng nakalipas na taon, hindi pa niya nakausap ang sinumang opisyal mula sa Chinese Embassy nang direkta o hindi direkta para talakayin ang anumang kasunduan tungkol sa kanilang karapatan at nakagawiang resupply operations sa Ayungin Shoal.
Nanindigan din ito na tanging ang Pangulo lamang ang may kapangyarihan o awtorisadong pumasok sa anumang uri ng kasunduan.
Hindi rin aniya pumayag o gumawa ng anumang panukala si Año o sinumang opisyal mula sa National Task Force for West Philippine Sea para ikompromiso ang pambansang interes mula sa mga ahente ng dayuhan bansa na aktibong nakikibahagi sa pang-aapi sa ating mga teritoryo at karagatan.
Hindi rin anila i-entertain ang mga panukala na pangunahing nakabatay sa ilegal, at gawa-gawang “9 o 10 dash line” ng China.
Dapat din aniyang ipaalala sa Chinese Embassy na hindi nito maloloko ang mamamayang Pilipino sa mga gawa-gawang kwento at hindi totoong palitan ng komunikasyon para lang suportahan ang illegal claims nito sa teritoryo ng PH gayundin para bigyang katwiran ang ilegal, agresibo at mapanlinlang na aksiyon nito partikular na ang mga insidente sa WPS kabilang ang pagtutok ng military-grade lasers, pambobomba ng water cannons, mapanganib na pagharang at pagbangga sa mga barko ng PH na nagdulot ng injuries sa panig ng ating bansa.
Sinabi din ni Año na gumawa din ng chat group ang Chinese embassy kasama ang piling miyembro ng media para manipulahin ang mga impormasyon.
Dahil sa malinaw rin aniya na fake news at disinformation ang arrangement story ng China, ito na umano ang huling pagkakataon na magkokomento si NSC Adviser Año sa isyung ito dahil ang Pangulo na mismo ang nagsabi na kung sakali man na mayroong kasunduan, binabawi o pinapawalang bisa na niya ito.
Sa susunod aniya na maglabas ang Chinese Embassy ng fake news at disinformation na katulad nito, hinihiling ng NSC sa lahat na ituring ang claims na ito ng China bilang isang pag-aaksaya lamang ng oras.