-- Advertisements --

Nagsagawa ng pagpapatroliya ang China Coast Guard (CCG) sa may paligid ng Scarborough shoal o Bajo de Masinloc sa disputed waters noong araw ng Biyernes, Disyembre 27 base sa report ng state media ng higanteng bansa.

Layunin aniya ng kanilang pagpapatroliya ay protektahan ang kanilang territorial rights.

Nitong Disyembre nga ay tuluy-tuloy ang pagpapalakas pa ng China Coast Guard sa law enforcement patrols sa territorial waters at sa paligid ng shoal.

Ito ay matapos na akusahan ng China ang panig ng Pilipinas noong Dec. 20 na pumasok umano ang aircraft ng Pilipinas sa kanilang airspace sa himpapawid ng Scarborough shoal.

Subalit nilinaw ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na nagsagawa ng lehitimong pagpapatroliya ang mga barko ng PCG at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) aircraft sa ating katubigan sa may Scarborough shoal para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng ating mga kababayang Pilipinong mangingisda na naroon sa lugar.

Nilinaw din ng opisyal na hindi itinaboy ang mga ito taliwas sa claim ng China Coast Guard dahil kusang umalis sa lugar ang PCG vessels at BFAR aircraft matapos makumpleto ang kanilang misyon na pagbibigay ng mga suplay para sa mga Pilipinong mangingisda.