Nagprotesta ang China sa pamamagitan ng diplomatic channels kaugnay sa presensiya ng barko ng Philippine Coast Guard na BRP Teresa Magbanua sa Sabina shoal kahit pa ito ay parte ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Sa isang statement, iginiit ng Chinese Foreign Ministry na wala umanong pahintulot ang pagpasok ng barko ng PCG sa lagoon ng Sabina shoal.
Saad pa nito na ang pananatili aniya ng PCG vessel ng matagal sa lugar ay seryoso umanong paglabag sa soberaniya ng China gayundin nilalabag umano nito ang Declaration on the Conduct of Parties sa disputed waters at banta sa kapayapaan at seguridad sa lugar.
Kaugnay nito, hinimok ng China ang Pilipinas na itigil ang umano’y infringement activities nito at paalisin ang BRP Teresa Magbanua sa shoal.
Ang Sabina shoal nga ay pasok sa EEZ ng Pilipinas kayat mayroon itong karapatan na maglayag at galugarin ang mga resources nito sa lugar at responsableng i-preserba at pangasiwaan ang mga ito salig sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).