Nanawagan si Chinese Embassy’s Deputy Chief of Mission Zhou Zhiyong sa Pilipinas na makipagkita sa China sa pamamagitan ng mga diplomatikong diyalogo para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa pinagtatalunang karagatan.
Ginawa ng opisyal ang pahayag sa isang forum sa Quezon city mahigit isang linggo ang nakakalipas mula ng mangyari ang water cannon incident sa Ayungin shoal.
Iginiit din ng opisyal na ang Ayungin shoal na tinatawag ng China na Ren’ai reef ay parte umano ng kanilang Nansha islands.
Iginiit nito na nangako ang Pilipinas na tatanggalin ang barko na intensyonal na isinadsad sa Ayungin Shoal simula pa noong 1999.
Ito umano ay nasa record at well documented. Nasa 24 na taon na aniya subalit hindi umano ginagawa ng panig ng Pilipinas ang commitment nito.
Ayon pa kay Zhou, nagsagawa umano ang PH at China ng diskusyon noong 2021 para maayos ang gusot sa Ayungin shoal kung saan nagkaroon ng kasunduan para sa pagsasagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Sinabi ni Zhou na nagpadala rin ang China ng draft na panukala sa panig ng Pilipinas para tugunan ang usapin, ngunit hindi pa ito nakakatanggap ng pormal na tugon mula sa PH.