-- Advertisements --

Nanawagan ang China sa mga awtoridad ng Pilipinas noong Biyernes na tugunan ng makatarungan at epektibong paraan sa isyu ng mga iligal na offshore gambling na kinasasangkutan ng mga Chinese national.

‘We urge the Philippines to completely eradicate the scourge inflicted by offshore gambling as soon as possible. China stands ready to work with the Philippines to combat crimes jointly, and we also call on the Philippines to conduct law enforcement justly and ensure the legitimate and lawful rights and interests of Chinese nationals in the Philippines,’ ani Guo Jiakun, tagapagsalita ng Ministry of Foreign Affairs ng China.

Ang pahayag na ito ay kasunod ng mga ulat mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) noong Huwebes na nagsasabing higit sa 450 indibidwal, kabilang ang 137 na mga Chinese ang inaresto sa isang operasyon laban sa isang offshore gaming operator na umano’y pinatatakbo ng mga Chinese national sa Maynila.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na ang lugar ay nagsisilbing scam center na target ang bansang China at India gamit ang pekeng sports betting at investment schemes.

Dahil sa mga panganib na kaugnay ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), naglabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Executive Order (EO) 74 noong Nobyembre 5, 2024, na nag-uutos ng agarang pagbabawal sa offshore at internet gaming sa bansa.