-- Advertisements --

Salungat ang naging pananaw ng mga pinuno ng European Union at China hinggil sa nangyayaring kaguluhan ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ipinahayag ito ni European Commission President Ursula von del Leyen matapos na idaos ang kauna-unahang EU-China summit sa loob ng halos dalawang taon na ginanap naman sa Brussels.

Aniya, sa ginanap na pagpupulong ay hindi daw nakakuha ng anumang pangako ang European Union mula sa China na gamitin ang impluwensya nito upang pigilan ang pag-atake ng Russia sa Ukraine, na isa sa mga pangunahing layunin ng nasabing aktibidad.

Ayon kay von der Leyen, na dito ay malinaw nilang sinabi sa China na kung hindi nito susuportahan ang naturang hakbang ng EU na pigilan ang Russia, ay huwag na lamang itong makialam sa mga sanctions na kanilang ipapataw dito.

Sa panig naman ng China ay sinabi ni Chinese President Xi Jinping na sinusuportahan nito ang pagsisikap ng EU na tuldukan at i-resolba na ang nangyayaring digmaan ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine, maging ang pag-uusap na dapat gawin sa pagitan ng Europe, Russia, United States, at NATO.

Aniya, naipong regional security conflicts sa Europe sa loob ng mahabang panahon ang ugat ng nagaganap na krisis ngayon sa Ukraine na kinakailangan agad na masolusyonan sa pamamagitan ng pagpapaunlak sa legitimate security concerns ng lahat ng mga kinauukulang partido.

Ngunit hindi naman ito nagpahayag ng kahit na anong indikasyon na mayroong itong papanigan dahil hindi rin nito gustong masira ang kanilang strategic relationship sa Russia.

Ito ang dahilan kung bakit hindi ito nangako na tutulong ito sa pagdiin sa Russia at sa halip ay pipilitin daw nito na makapagsagawa ng peace talks sa pagitan ng Russia at Ukraine sa kanilang sa kanilang sariling pamamaraan.

Samantala, sa bandang huli naman ay nagkasundo ang dalawang panig na magtulungan sa pagresolba sa kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukriane sa iba pang mga pamamaraan.