-- Advertisements --

Nanindigan ang China na espiya ang tatlong inarestong Pilipino.

Ayon kay China Foreign Ministry spokesman Lin Jian, naglabas na umano ang Chinese authorities ng detalyadong impormasyon sa mga aktibidad ng page-espiya na ginawa umano ng nasabing mga Pilipino sa China.

Iginiiit din ng Chinese official na hawak na ng judicial at relevant authorities ang kaso laban sa 3 Pilipino na base umano sa facts o katotohanan at alinsunod sa batas.

Sa isang press conference nitong Lunes sa Beijing, inakusahan ni Lin ang Pilipinas ng pagi-imbento umano ng mga serye ng tinatawag na Chinese spy cases sa pamamagitan ng aniya’y “stigmatization at politicization” base sa presumption of guilt nang walang malinaw na ebidensiya.

Bagay na mariin umano nilang tinututulan at naghain na umano sila ng protesta laban sa PH nang ilang beses.

Tiniyak naman ng Chinese official na striktong lilitisin ang kaso ng 3 Pilipino alinsunod sa batas at pro-protektahan ang kanilang legal na karapatan at interest kasunod ng panawagan ng gobyerno ng Pilipinas sa China na protektahan ang kanilang karapatan at bigyan ng due process.

Sa panig naman ng Pilipinas, nauna ng itinanggi ng National Security Council (NSC) ang akusasyon ng China laban sa 3 inarestong Pilipino.

Ayon kay NSC spokesman Assistant Director-General Jonathan Malaya na mga ordinaryong mamamayang Pilipino na walang military training ang inarestong mga Pilipino.