-- Advertisements --

Nasungkit ng atleta mula sa China ang kauna-unang gold medal sa women’s 10-meter rifle competition na ginanap sa Asaka Shooting Range.

Naibulsa ni Yang Qian ang first place matapos talunin sa patibayan ng konsentrasyon ang mahigpit na karibal mula sa Russia na si Anastasiia Galashina.

Yang china

Makukuha na sana ni Galashina ang gold pero hindi kinaya ang matinding pressure.

Umiskor si Galashina ng 8.9 bilang pinaka-lowest sa mga atleta kaya sa kabuuan ang total score niya ay 251.1.

Bagamat natikman din ni Yang ang pressure dahil sa below-par na final shot niya na 9.8, sapat na rin ito upang makuha ang gold medal para sa Olympic record sa total na 251.8 points.

Napunta sa Switzerland shooter na si Nina Christen ang bronze, habang ang American world’s number two na si Mary Tucker ay nagkasya sa ikaanim na puwesto.

Hindi katulad ng huling Olimpiyada, ang labis na tuwa ngayon ng mga medal winners ay natatakpan naman ng suot na mga face mask.

Ang mga Russian athletes ay naglalaro ngayon sa ilalim ng bandila ng Russian Olympic Committee (ROC) dahil sa parusa sa kanila noon bunsod ng ilang doping scandals.

Nagtapos ang naturang ban sa taong 2020 pero ipinagpaliban naman ang Olympics na orihinal sana itong gagawin noong taon.