Binuntotan ng China navy ang joint sea at air activities ng Pilipinas kasama ang Australia, Japan, at New Zealand sa West Philippine Sea, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ngayong Linggo.
Inorganisa ng China’s People Liberation Army Southern Theater Command ang kanilang mga naval at air forces para sa routine reconnaissance, early warning, at sea-air patrol exercises malapit sa Bajo de Masinloc (Panatag, Scarborough Shoal) noong Sabado, kasabay ng Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) kung saan nagdaos ng drills ang naval at air force units ng Pilipinas, Australia, Japan, at New Zealand sa northern Luzon na bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, na monitor ng militar ng Pilipinas ang mga barkong pandagat ng Tsina sa paligid habang isinasagawa exercise pero iginiit na ang multilateral exercise ay nagpatuloy naman ayon sa plano nang walang anumang panghihimasok at hindi nailagay sa panganib ang mga barko ng mga kalahok na bansa.
Ipinadala ng AFP ang BRP Antonio Luna (FF151), BRP Emilio Jacinto (PS35), isang AW109 helicopter, at mga asset ng Philippine Air Force Search and Rescue (SAR) sa multilateral exercise kasama ang USS Howard (DDG83) ng US Navy, HMAS Sydney (D48) ng Australia, JS Sazanami (DD113) ng Japan, at HMNZS Aotearoa (A-11) ng New Zealand.
Kabilang sa mga aktibidad ang pre-sail briefing, communication exercises (COMMEX), cross-deck exercises, division tactics/officer of the watch (Divtacs/OOW) drills, photographic exercises (PHOTOEX), replenishment at sea (RAS) approaches, maritime domain awareness (MDA) exercises, at contact reporting, lahat ay dinisenyo para paigtingin pa ang operational readiness at collaborative capabilities.