-- Advertisements --

Napalaya na rin ang dalawang Canadian nationals na nakulong sa China kasunod ng pagpapalaya sa Chinese Huawei executive na si Meng Wanzhou.

Inanunsiyo ito ngayong araw ni Canada Prime Minister Justin Trudeau.

Ang dalawang Canadian nationals na sina Michael Spavor at Michael Kovrig ay ikinulong dahil sa akusasyon ng pang-iispiya noong 2018 ilang araw din matapos na maaresto ang top Chinese tech executive ng Huawei na si Wanzhou sa bisa ng warrant of arrest mula sa Amerika.

Ang Canadian national na si Kovrig ay dating diplomat ng International Crisis Group na isang Brussel-based think tank habang si Spavor naman ay ang founding member ng isang organisasyon na namamahala sa mga international business at cultural ties sa North Korea.

Nauna rito, sinentensiyahan ng Chinese court si Spavor ng hanggang 11 taong pagkakakulong habang wala pang naibabang desisyon sa kaso ni Kovrig.

Nitong Biyernes naman ng ipinag-utos ng judge ng Canada na may hawak sa kaso ng dating chief financial officer ng Huwei ang pagpapalaya kay Wanzhou matapos ang pakikipagnegosasyon sa US prosecutors laban sa isinampang fraud charges.

Ang pagkakulong ng Canadians at Huawei executive ay nagbunga ng ilang taon diplomatic tension sa pagitan ng Canada at China.