-- Advertisements --

Mistulang pinalibutan ngayon ang Taiwan ng puwersa armada ng China kasabay ng joint military exercises.

Ang war games ng Chinese People’s Liberation Army (PLA) ay sinimulan kasunod ng kontrobersiyal na pagdating ni US House Speaker Nancy Pelosi sa isla nitong nakalipas na Martes ng gabi.

Ayon sa ilang analysts, gumamit pa ang China ng kanilang pinaka-hi tech na J-20 stealth fighter jets at nagpakawala raw ng conventional missiles bilang test fire.

china drills taiwan
Sources: Australian National University, Xinhua, Flanders Marine Institute

Sinasabing ito na ang pinakamalaking military drill mula noong 1996 crisis.

Kaugnay nito, nag-abiso raw ang China sa mga airline companies sa Asya na iwasan muna ang pagbiyahe sa paligid ng Taiwan.

Meron kasing anim na areas na itinalaga ng China bilang mga “danger zones.”

Ang mga flights ay ipinagbawal muna mula alas-12:00 ng hapon ngayong August 4 hanggang alas-12:00 ng hapon ng August 7.

Liban sa airspace, ang blockade sa Taiwan ay kasama rin ang biyahe ng mga barko.

Nagpalabas na rin daw kasi ng babala ang Taiwan Maritime Port Bureau sa mga barko na iwasan muna ang area dahil sa delikado ang gagawing drills ng China.

Una rito, sa anunsiyo ng PLA Eastern Theater Command ang kanilang joint maritime at air exercises ay gagawin sa karagatan at kalawakan at doon sa bahagi ng north, southwest at southeast ng island of Taiwan.

Gagamit din daw ang mga ito ng long-range live-fire shooting sa Taiwan Straits.

Nangangahulugan daw ito na palilibutan ang Taiwan ng People’s Liberation Army sa limang mga direksiyon.

Hinala ng mga analyst, ang war games ay upang sanayin ang abilidad ng Chinese military na kontrolin ang kalawakan kung sakaling lusubin ng China ang Taiwan para maging bahagi muli nila.

Sinabi naman ng isang nagngangalang Gu Zhong, deputy chief of staff ng PLA Eastern Theater Command, ang kanilang drills ay kasama ang joint blockade, sea assault, land attack at air superiority bilang pagsasanay sa lahat ng uri ng krisis.

Nitong araw ng Huwebes ay magpapatuloy pa rin ang live-fire military drills sa mga sona na pumapalibot sa Taiwan.

Ang iba raw sa mga ito ay tinatayang nasa 20 kilometro lamang ang layo sa dalampasigan ng isla ng Taiwan.

Una nang napaulat din na ang PLA ay nag-deploy ng light amphibious tanks sa Xiamen City beaches sa Fujian province na ilang kilometro lamang daw ang layo sa Taiwanese island na Kinmen.

Para naman sa Taipei defense ministry, nagbabala ito na ang ginagawang military drills ng China ay banta sa kanilang mga pantalan at urban areas.