Muling naglabas ng panibagong rebelasyon ang China sa pagkakataong ito na may kinalaman sa isyu sa Panatag shoal.
Ito ay kasunod na rin ng nangyaring water cannon incident sa naturang karagatan noong Abril 30 kung saan pinagtulungang bombahan ng water cannon ng mga barko ng China Coast Guard ang barko ng PH.
Sa isang regular press briefing, pinalutang ng tagapagsalita ng Chinese Embassy sa Maynila na mayroon umanong temporary special agreement sa pagitan ng China at PH noong 2016 kaugnay sa Panatag shoal.
Sa ilalim umano ng kasunduan, sinabi ng China na hindi maaaring pumasok ang Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard at iba pang mga barko ng PH sa 12 nautical miles at kaakibat na air space ng Panatag shoal.
Gayundin, maaari aniyang manghuli ng isda ang mga Pilipinong mangingisda na may maliliit na fishing boat sa designated waters maliban sa lagoon ng Panatag shoal.
Sinabi din ng Chinese diplomat na sa nakalipas na 7 taon, sumunod umano ang PH sa nasabing mga kasunduan at hindi rin umano isyu noon ang pangingisda ng mga Pilipinong mangingisda sa designated areas sa labas ng Panatag shoal.
Samantala, wala pang inilalabas sa ngayon na komento ang National Security Council at ni PCG spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela kaugnay sa panibagong rebelasyon ng Chinese Embassy.