Pinaratangan ng Chinese Embassy na nakabase sa Maynila ang Marcos administration ng pagtutulak sa mga mangingisda sa frontline ng maritime dispute sa West Philippine Sea sa ngalan ng humanitarian assistance para sa “political agenda” nito.
Iginiit din ng embahada na ang kasalukuyang administrasyon ang nagdudulot umano ng tensyon, hindi tulad ng mga nakaraang administrasyon na umano’y mahusay na humawak sa hidwaan sa karagatan.
Sinabi din ng embahada na ang kasalukuyang gobyerno ng Pilipinas ay lumabag sa limitasyon nito sa Panatag shoal gayundin itinanggi umano nito ang sariling mga salita sa pamamahala sa Ayungin shoal at tinalikuran ang Gentleman’s agreement, Internal Understanding at New Model na napagkasunduan umano ng dalawang panig.
Tinutukoy ng China ang iba’t ibang kasunduan na pinasok umano ng Pilipinas sa isyu sa West PH Sea ngunit hindi naman nagbigay ng anumang patunay.
Ito din aniya ang tunay na sanhi ng maritime incidents na nagpapataas ng tensyon sa disputed waters noong nakaraang taon.
Samantala, ipinagkibit-balikat naman ng embahada ng China ang pagpapahayag ng pagkabahala ng ilang bansa sa pambobomba ng water cannon ng kanilang coast guard sa mga barko ng Pilipinas sa pagsasabing hindi umano sila kumakatawan sa international community at pumapanig lamang.
Ito ay matapos na bombahan ng water cannon ng China Coast Guard ang dalawang barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng food supply mission sa karagatang sakop ng Panatag shoal.
Kung saan katwiran ng China na ang mga sasakyang pandagat umano ng PH ang diumano’y iligal na pumasok sa naturang karagatanl na inaangkin ng Beijing.
Ang pinakahuling agresyon nga ito ng China ay kinondena ng maraming bansa kabilang ang kaalyado ng PH na Amerika.