Pinaratangan ng China ang tropa ng Pilipinas na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre ng panunutok ng baril sa China Coast Guard habang nagpapatrolya sa Ayungin shoal noong Mayo 19 kasabay ng isinagawang resupply mission ng PH.
Sa 29 na segundong video na inilabas ng state run news channel ng China na CGTN, makikita ang hindi bababa sa 2 kalalakihan na nakasuot ng mask mula sa isinadsad na barko ng PH na may hawak na itim na bagay na kahawig ng rifle na nakatutok umano sa direksiyon ng CCG.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na komento ang panig ng Philippine Navy, PH Coast Guard, National Security Council at embahada ng PH sa Beijing kaugnay kaugnay sa authenticity ng naturang video.
Matatandaan na taong 1999 pa ng isinadsad sa bahagi ng Ayungin shoal ang barkong pandigma ng PH na BRP Sierra Madre na nagsisilbing military outpost ng ating bansa para igiit ang ating soberaniya sa West Philippine Sea.
Ang mga komprontasyon nga sa pagitan ng Pilipinas at China sa pinagtatalunang karagatan ay naging mas maigting at madalas pa sa nakalipas na taon, kabilang na ang pambobomba ng China Coast Guard ng water cannon at pagbangga sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.
Sa makasaysayang talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong araw ng Biyernes sa kaniyang pagdalo sa Asia’s annual premier defense summit sa Singapore, matapang na tinuligsa ng Pangulo ang ilegal, coercive at agresibong mga aksiyon sa disputed waters nakakasira sa bisyon ng mga bansa sa Southeast Asia para sa kapayapaan, istabilidad at kaunlaran sa karagatan.