Pinabulaanan ng China na binangga at inabandona ng Chinese vessel ang bangkang pangisda ng mga Filipino sa Reed Bank sa West Philippine Sea.
Sa inilabas na kalatas ng Chinese Embassy, sinabi nito na tinangka pa nga raw ng kapitan ng barko ng Chinese vessel na lapitan ang mga mangingisdang Pinoy subalit natakot ito dahil baka siya ay kuyugin ng ilang mga bangkang pangisda na nasa kapaligiran.
Matapos na makita ng kapitan ng Yuemaobinyu 42212 fishing vessel mula sa Guangdong province na nailigtas na ang mga mangingisdang Pinoy ay minabuti na lamang nilang umalis na.
Tiniyak naman ng Chinese government na kanilang binibigyang importansya ang magandang relasyon ng China at Pilipinas at kanilang pagtutuunan ng pansin ang anumang problemang lumabas.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, “outraged†o nagalit si Pangulong Rodrigo Duterte sa nangyari lalo na nang abandonahin na lamang umano sa karagatan ng mga Chinese crew ang mga Pilipinong mangingisda.
Ayon kay Sec. Panelo, sadya namang nakagagalit ang ginawa ng mga Chinese crew na hindi lamang isang uri ng pambu-bully kundi isang barbarikong aksyon.
Kaya naman nananawagan umano ang Malacañang sa gobyerno ng China na imbestigahan ang pangyayaring ito at parusahan ang mga sangkot na Chinese crew.
Hindi pa naman masabi ni Sec. Panelo ang susunod na hakbang ni Pangulong Duterte kasunod ng insidente.
Ang DFA ay una na ring naghain ng diplomatic protest sa naturang gusot.