Posibleng maglunsad ng military drills ang China sa palibot ng Taiwan ngayong linggo kasunod ng matapang na pahayag ni Taiwan President Lai Ching Te na imposibleng maging ‘motherland’ ng Taiwan ang China.
Tila nagpagalit naman ito sa China na matagal ng hinahangad ang reunification ng Taiwan na itinuturing nitong bahagi ng kanilang teritoryo.
Sa speech ni Pres. Lai sa isang concert, binigyang diin niya na ang Taiwan ay isa ng sovereign at independent country. Aniya, pagdating sa edad, di hamak na mas matanda ang Taiwan na nakatakdang magdiwang ng ika-113 kaarawan nito sa Oktubre 10 habang ang People’s Republic of China naman ay nagdiwang ng ika-75 birthday pa lamang noong Oktubre 1.
Sa ngayon wala pang tugon dito ang China, subalit ayon sa isang senior Taiwan security official base sa nakalap na intelligence ng Taiwan at assessment ng gobyerno, posibleng isagawa ng China ang tinatawag nitong Joint Sword-2024B exercises.
Matatandaan na noong Mayo, naglunsad din ng ‘punishment’ drills ang China sa palibot ng Taiwan matapos ang inagurasyon ni Lai na tinawag ng China na kanilang tugon sa separatist acts ni Lai kung saan nagpadala ito ng armed warplanes at naglunsad din ng mock attacks, na tinawag ng China bilang Joint Sword-2024A.