Minaliit lamang ng China ang nangyaring pagbangga ng isang Chinese fishing boat sa bangka ng mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea.
Ayon kay foreign ministry spokesman Geng Shuang, ito lamang ay isang “ordinary maritime accident,” at nagbabala rin ito laban sa aniya’y iresponsableng pamumulitika sa naturang insidente.
Iniimbestigahan na rin umano ng Beijing ang naturang pangyayari.
Naganap ang banggaan sa bahagi ng Recto Bank nitong gabi ng Hunyo 9 kung saan inabandona rin umano ng crew ng Chinese vessel ang mga sakay naman ng fishing boat na FB Gimver 1 na may 22 Pilipinong mangingisda.
Una nang kinondena ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang naturang insidente, na nabatid lamang ng gobyerno matapos iulat ng isang mangingisda.
“We denounce the actions of the Chinese fishing vessel for immediately leaving the incident scene, abandoning the 22 Filipino crewmen to the mercy of the elements,” ani Lorenzana.
Sinabi na rin ng Malacañang na dapat maparusahan ang mga sangkot na Chinese crew lalo sa ginawang pag-abandona sa mga mangingisdang Pilipino na palutang-lutang matapos mawasak ang kanilang bangka.
“Eh ‘di we will cut off diplomatic relations, ‘yan ang unang ginagawa ng mga… ‘pag mayroong mga aggressive acts.
First, magdi-diplomatic protest ka; kung hindi ka kuntento sa paliwanag nila at nakita natin na talagang sinadya, eh ibang usapan iyon. Our responses will always be calibrated, depende sa degree. But definitely, we will not allow ourselves to be assaulted, to be bullied, to be the subject of such barbaric, uncivilized and outrageous actions from any source,†ani Presidential spokesperson Salvador Panelo.
Nakapaghain na rin ng diplomatic protest si Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. laban sa China hinggil sa isyu.