-- Advertisements --

Hiniling ngayon ng China sa mga nagbabalak na magpakasal ngayong araw na pansamantala munang ipagpaliban ang kanilang plano.

Ang apelang ito ng mga otoridad ay kasunod na rin ng pagpalo pa sa 259 ng bilang ng mga namamatay dahil sa nasabing virus.

“Where marriage registrations have been announced or promised for February 2 this year, you are advised to cancel it and explain the situation to others,” saad sa pahayag ng civil affairs ministry.

Ngayong araw kasi, Pebrero 2, ay ikinokonsidera ng marami bilang magandang petsa upang magpakasal.

Sinabi rin ng ahensya na ihihinto mula nila ang mga marriage counselling services at nanawagan sa publiko na huwag magsagawa ng wedding banquets.

Kasabay nito, umapela rin ang mga otoridad sa mga pamilya na gawing simple lamang ang seremonya ng paglilibing upang maiwasan ang pagtitipon ng mga tao.

Dapat din aniyang ma-cremate sa lalong madaling panahon ang labi ng mga biktima ng coronavirus.

Matatandaang nagpatupad ng samu’t saring mga hakbang ang Chinese goverment, gaya ng travel restrictions at pagpapalawig sa Lunar New Year break, para mapigilan ang paglaganap ng misteryosong sakit. (AFP)