-- Advertisements --

Pinahihinto ng China ang Pilipinas sa umano’y ginagawa nitong iligal at mapanghamong hakbang sa pinagtatalunang bahagi ng West Philippine Sea.

Tugon ito ng China matapos na maghaing muli ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa pagkumpiska ng Chinese Coast Guard sa mga gamit ng mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.

Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Zhao Lijian, nanghihimasok daw ang Pilipinas sa soberanya at seguridad ng China sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga military aircraft upang magpatrol sa Spratlys.

“China urges the Philippine side to immediately stop illegal provocations,” wika ni Zhao.

Ipinagtanggol din ng opisyal ang naging hakbang ng Chinese Coast Guard kung saan ito umano ay naaayon sa batas.

“It is beyond reproach for China Coast Guard to conduct law enforcement in Huangyan Dao waters as it is a lawful practice,” ani Zhao, na tumutukoy sa Scarborough.

Una rito, iprinotesta rin ng Pili­pinas ang patuloy na pagraradyo o radio challenges ng China sa mga Philippine aircraft eroplano ng Pilipinas na nagsasagawa ng maritime patrol sa bahagi ng West Philippine Sea.

Ngunit naniniwala naman ang Malacañang na hindi maaapektuhan ang relasyon ng Pilipinas at China ng inihaing diplomatic protest.