Pinagpapaliwanag na ngayon ng Pilipinas sa pamamagitan ni ambassador to Beijing Jose Santiago ang China kaugnay sa naging presensiya ng kanilang Chinese survey ship sa may bahagi ng Benham Rise.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) na nababahala ang pamahalaan kaugnay sa presensiya ng Chinese vessel.
Nagpadala na ng sulat ang pamahalaan sa Chinese embassy para liwanagin ang presensiya ng kanilang barko sa teritoryo ng Pilipinas.
Sinabi ni DFA spokesperson Charles Jose na kanila pang hinihintay ang sagot ng China kaugnay dito.
Sa kabilang dako, kinumpirma naman ni Foreign ministry spokesman Geng Shuang ang presensiya ng nasabing barko at iginiit ang pag exercise nila sa freedom of navigation.
Ayon sa Beijing wala silang secret mission na isinagawa sa Benham Rise.
Una rito, mismong si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang nagkumpirma kaugnay sa presensiya ng survey ship ng China sa Benham Rise.
Sinabi ni Lorenzana na tatlong buwan nanatili sa lugar ang nasabing Chinese vessel.
Pagbubunyag ng kalihim na sinu-survey nito ang seabed kung saan plano ng China na maglagay ng kanilang mga submarine.