-- Advertisements --

Tuluyan nang tinanggal ng China ang kanilang top official sa Hong Kong, kasunod pa rin ng mahigit anim na buwan ng anti-government protests sa siyudad.

Ang nasabing hakbang ay nangyari rin dalawang buwan matapos manawagan ng mga hakbang ang Central Committee ng Chinese Communist Party upang “pangalagaan” ang national security sa Hong Kong.

Sa pahayag ng Chinese Ministry of Human Resources and Social Security, sinibak nila ang director ng makapangyarihang Central Liaison Office na si Wang Zhimin, na nakaupo sa puwesto mula noong 2017.

Hahalili kay Wang si Luo Huining, ang secretary ng Communist Party para sa probinsya ng Shanxi.

Si Wang ang kauna-unahang senior official na natanggal sa puwesto dahil na rin sa hindi matapos-tapos na kaguluhan sa lungsod.

Matatandaang sumiklab ang malawakang mga demonstrasyon sa Hong Kong nitong Hunyo dahil sa extradition bill na naglalayong ipadala ang mga indibidwal sa mainland China upang litisin. (BBC)