Inanunsyo ng China na hindi muna ito bibili ng mga produktong pang-agrikultura sa United States bilang pagpalag nito sa di-umano’y paglabag ni US President Donald Trump sa kasunduan nila ni Chinese President Xi Jinping.
Ito ay matapos kumpirmahin ni Trump noong nakaraang linggo na muli itong magpapatong ng dagdag 10% taripa sa bawat $300 billion na halaga ng mga iniaangkat ng produkto ng China.
“This is a serious violation of the meeting between the heads of state of China and the United States,” saad ng Minister of Commerce ng China.
Paglilinaw ng China hindi umano sila nagpataw ng dagdag buwis sa kahit anong agricultural products ng Estados Unidos simula noong Agosto 3 bilang respeto sa naturang kasunduan ng dalawang pinuno.
Dahil dito, iniutos ng Chinese government sa lahat ng Chinese companies na huwag munang bumili ng kahit anong agricultural product mula sa US.