Tiniyak ng China ang proteksiyon sa mga karapatan ng tatlong Pilipinong nakadetine ngayon sa naturang bansa matapos akusahan ng umano’y pang-e-espiya.
Ayon kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, tinatrabaho na ito ng Philippine Consular office sa China.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang consular office ng Pilipinas sa Chinese authorities sa lahat ng usapin may kinalaman sa tatlong Pilipino.
Ito ang naging tugon ng Chinese official nang matanong kung papahintulutan ng China na mabisita ng malapit na pamilya ang mga nakakulong na Pilipino.
Sa panig naman ng Pilipinas, nauna ng sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagbibigay na ng lahat ng kinakailangang tulong ang Philippine Consulate General sa Guangzhou kabilang ang legal support para sa 3 Pilipino.
Una rito, nanindigan ang ilang opisyal ng Pilipinas na hindi espiya ang 3 Pilipino. Nauna ng nilinaw ng National Security Council na ordinaryong mamamayang Pilipino ang mga ito na walang military training.
Posibleng retaliation aniya ito ng China sa Pilipinas matapos ang mga serye ng lehitimong pag-aresto sa mga Chinese na sangkot sa iligal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa mga nakalipas na buwan.