-- Advertisements --

Tinutulan ng China ang pananaw ng Pilipinas sa inisyung Advisory Opinion ng International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS) na ginagawang lehitimo ang claim ng bansa sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning na ang naturang advisory opinion na nagtatakda ng responsibilidad ng mga bansa na protektahan ang kanilang marine environment sa kanilang hurisdiksiyon ay nakatuon lamang umano sa climate change response at pagprotekta sa marine environment.

Hindi umano nito saklaw ang mga isyu sa territorial at maritime disputes o ang bisa ng arbitral award sa pinagtatalunang karagatan.

Sinabi din ng Chinese official na hindi dapat gamitin ito ng ilang bansa para sa kanilang pansariling interes.

Naniniwala din ang China na hindi gusto ng International tribunal o ng anumang bansa na makita ang naturang advisory opinion na mabaliktad ng tinawag nitong ilegal, null at void arbitral award.

Ginawa ng Chinese official ang pahayag kasunod ng malugod na pagtanggap ng gobyerno ng PH sa opinyon ng IITLOS noong Mayo 25 kaugnay sa 2 concern na idinulog ng komisyon ng maliliit na island states.

Sinabi naman ng DFA na pinagtitibay ng tugon ng international body ang 2016 arbitral ruling sa disputed waters.

Kaugnay nito, muling binigyang diin ng PH ang patuloy na panawagan nito para sa full compliance ng naturang award.