Tumanggi muna ang China na magpaabot ng pagbati kay Joe Biden na nagwagi sa ginanap na presidential elections sa Estados Unidos noong nakalipas na linggo.
Kung maaalala, bagama’t nagmamatigas pa si incumbent President Donald Trump na tanggapin ang resulta ng halalan, nagpaabot na ng kani-kanilang pagbati ang mga world leaders kay Biden at sa kanyang running mate na si Kamala Harris matapos silang ideklarang panalo.
Kabilang sa mga nagpaabot na ng kanilang pagbati kay Biden ang United Kingdom, Australia, Israel, France at Germany.
Pero sa isang regular press briefing, sinabi ni foreign ministry spokesman Wang Wenbin na kikilos daw ang China sang-ayon sa “international practice.”
“Our understanding is that the outcome of the election will be determined in accordance with US laws and procedures,” wika ni Wang.
“We hope the new US government can meet China halfway,” dagdag nito.
Maliban sa China, ilan pa sa mga malalaking bansa na hindi pa nagpapaabot ng pagbati kay Biden ay ang Russia at Mexico.
Nagmarka sa ilalim ng administrasyon ni Trump ang trade war sa pagitan ng Washington at Beijing, na dahilan kaya umalat ang relasyon ng dalawang bansa. (AFP)