Inalmahan ng China ang pagsama sa West Philippine Sea sa Google Maps.
Sa isang regular press conference sa Beijing, iginiit ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Lin Jian ang kanilang itinatawag sa disputed water na “South China Sea” ang ginagamit, kinikilala at tinatanggap umano ng international community kabilang ang mga bansa sa buong mundo at international organizations gaya ng United Nations.
Lumabas kasi sa kamakailang Google Maps search sa Panatag shoal o Scarborough shoal na nasa loob ito ng kanlurang parte ng Pilipinas na tinawag bilang West Philippine Sea.
Sa panig naman ng Pilipinas, ikinalugod ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkakasama ng WPS sa web mapping platform na nagpapatibay aniya sa pagkilala ng international community sa sovereign rights ng bansa at nagpapatibay sa 2016 arbitral ruling sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ayon kay AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, nakikita ito ng Sandatahang Lakas bilang mga tagapagtanggol ng ating soberaniya, na isang mahalagang kontribusyon sa totoong representasyon at kamalayan ng publiko.
Matatandaan, opisyal na tinawag ang kanlurang parte ng ating bansa bilang West Philippine Sea sa ilalim ng administrasyon ni yumaong dating Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III.
Sa administrasyon din ng dating Pangulo, naghain ang Pilipinas ng arbitration case sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague para tutulan ang malawakang pag-aangkin ng China na karamihan ay sa western part ng bansa.
Taong 2016, pinaburan ng tribunal ang Pilipinas na nagpawalang bisa naman sa 9-dash line claim ng China at sinabing wala itong legal na basehan.