-- Advertisements --

Inamin ng China na inilantad daw ng coronavirus outbreak ang umano’y mga pagkukulang sa kanilang public healthcare system.

Matatandaang humarap sa samu’t saring kritisismo ang China dahil sa tila pagmamaliit nito sa virus at sa pagtatago ng impormasyon kaugnay sa outbreak nang una itong pumutok sa siyudad ng Wuhan noong Disyembre.

Una na ring iginiit ng Beijing na hindi raw sila pumalya sa pagbabahagi ng impormasyon sa World Health Organization at sa iba pang mga bansa.

Ngunit ayon kay Li Bin, deputy director ng Chinese National Health Commission, hindi raw naging sapat ang paghahanda ng kanilang healthcare system, kaya nagkaroon daw ng butas ang mga tugon ng China.

“The novel coronavirus outbreak was a big test that revealed China still has shortcomings in its major epidemic prevention and control system, public health systems and other aspects of responding (to an emergency),” wika ni Li.

Dahil dito, magpapatupad na ang Chinese government ng mga reporma upang mas pagandahin pa ang disease prevention at control mechanisms ng kanilang bansa.

Bubuo rin daw ang health authority ng China ng “centralized, unified and efficient” leadership system upang mas makatugon pa sila nang mas mabilis sa anumang mga public health crisis sa hinaharap.

Tinatalakay na rin aniya ng mga opisyal kung papaano imo-modernize ang disease control and prevention system sa pamamagitan ng paggamit ng artificial intelligence, cloud computing, at iba pang mga teknolohiya.

Inihayag pa ni Li na kinokonsidera rin daw ang pagrerepaso sa mga public health laws, at ang mas aktibong paglahok sa global health governance.

Nitong Biyernes, sinabi ng Beijing na suportado raw nila ang isang review na pangungunahan ng World Health Organizatio hinggil sa naging pagtugon ng mundo sa coronavirus outbreak, sa oras na tapos na ang pandemic. (AFP)