Umapela ang foreign ministry ng China sa Pilipinas na tigilan na umano ang mga provocation at infringement laban sa kanilang bansa.
Sa gitna ito ng mga panawagan na patalsikin na ang lahat ng mga Chinese diplomats paalis sa ating bansa nang dahil sa umano’y ginagawang disinformation campaign nito laban sa Pilipinas.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Lin Jian, ang mga nagiging tugon aniya ng Pilipinas hinggil sa naturang isyu ay nagpapakita umano ng guilty conscience ng ating bansa pagdating sa pagharap nito sa mga katotohanan at mga ebidensyang kanilang pinanghahawakan.
Aniya, ang mga aksyon umano ng ating bansa ay nagpapakita lamang daw ng pagiging desperado ng Pilipinas.
Kasabay nito ay sinabi rin ng naturang Chinese official na dapat na aniyang itigal na ng Pilipinas ang pag de-deny sa umano’y mga katotohanang kanilang inilalatag at hindi na aniya dapat pang gumawa ang mga ito ng mga walang kwenta ng hakbang na tanging makakapinsala lamang umano sa ating bansa.
Kung maaalala, una nang ipinahayag ni National Security Adviser Eduardo Ano na ang ginawang paglalabas ng kahina-hinalang mga transcripts o recording ng Chinese Embassy in Manila hinggil sa umano’y phone call conversation sa pagitan ng Isang Chinese official at ng isang mataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines ay mahigpit na ipinagbabawal at dapat na mapatawan ng kaukulang kaparusahan.