-- Advertisements --

Nanindigan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na walang kapangyarihan ang China na basta kontrolin ang power grid ng bansa.

Sagot ito ng NGCP sa gitna ng pangamba ng ilang mambabatas na baka tuluyang i-shutdown ng Beijing ang sistema ng enerhiya sa bansa.

Sa isang panayam ipinaliwanag ni NGCP spokesperson Cynthia Alabanza na dadaan pa sa masusing procedure bago tuluyang mapabagsak ang power grid.

Kailangan daw kasing lapitan at kausapin ang nasa 200 substation managers na may hawak na breakers kada istasyon.

May hawak na 40-percent share ang State Grid Corporation of China sa NGCP, habang ang natitirang 60-percent nito ay pagmamay-ari ng dalawang Filipino private companies.

Samantala ang government-owned corporation na Philippine Transmission Commission ang nagmamando sa grid infrastructure.

Paliwanag ni Alabanza, hindi nakakonekta sa Virtual Private Network (VPN) ang Supervisory Control and Data Acquisition (SCADA) o sistemang kumu-kontrol sa grid.

Pero ang VPN access daw ay maaaring igawad sa supplier kapag may kailangang ayusin.

Kailangan nga lang ng clearance bago makakuha nito.

Ayon sa opisyal walang basehan ang mga alegasyon na pagmamani-obra ng China sa power grid.

Una ng inamin ng Department of Energy na naging mailap sa kooperasyon ang NGCP matapos pumutok ang issue.