Walang karapatan ang China Coast Guard (CCG) na manghimasok sa legitimate operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP) lalo na sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Ito ang binigyang-diin ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner matapos ang isinagawang Humanitarian Rotation and Resupply Mission sa BRP Sierra Madre nuong June 17 sa bahagi ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Brawner ang walang ingat at agresibong pag-uugali ng China Coast Guard ay nagdulot ng pisikal na pinsala sa katawan at isang tahasan at malinaw na paglabag sa international maritime laws, at sa sovereign rights ng Pilipinas.
Ayon kay Brawner mariing kinokondena ng AFP ang nasabing aksiyon ng China Coast Guard na hindi lamang lumalabag sa ating mga karapatan sa pandagat kundi nagdudulot din ng malaking panganib sa katatagan ng rehiyon.
Siniguro ni Brawner na mananatiling committed ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na mapanatili ang rule of law at makipag ugnayan sa mga international partners upang matiyak ang peace and stability sa buong West Philippine Sea at the Indo-Pacific Region.