Iginiit ni Taiwan President Lai Ching-te na walang karapatan ang China na parusahan ang kanilang mamamayan dahil sa kanilang pananaw o adbokasiya matapos balaan ng China ang mga sumusuporta para sa kasarinlan ng isla na mahaharap sa parusang kamatayan.
Matatandaan na noong Biyernes nang inilabas ng China ang bagong judicial guidelines kung saan isinama ang death penalty sa mga seryosong kaso sangkot ang diehard supporters ng independensya ng Taiwan.
Subalit sinabi ni President Lai na walang karapatan ang China na i-pursue ang cross-border prosecution sa mamamayan ng Taiwan.
Binigyang diin din nito na hindi ang demokrasya ang pinagmulan ng krimen kundi ang awtokrasya.
Nagbabala din si Lai na maaaring lalo pang lumala ang relasyon sa pagitan ng 2 panig kapag hindi kikilalanin ng China ang existence ng Taiwan at hindi magsasagawa ng palitan at dayalogo sa gobyerno ng Taiwan na lehitimo at nahalal sa demokratikong paraan.
Kaugnay nito, nagpahiwatig naman si Lai na bukas ito na ipagpatuloy ang pakikipag-dayalogo sa China at nanawagan sa dalawang panig na magkaroon ng exchanges.
Una rito, iginigiit ng China na ang demokratikong isla ay parte ng kanilang teritoryo at hindi mangingiming gumamit ng puwersa para maibalik ang isla sa ilalim ng kontrol nito.