-- Advertisements --

Nanindigan ang National Security Council (NSC) na walang rason ang China para mag-protesta laban sa pagsasabatas ng Pilipinas sa Maritime Zones Act na naglalayong ideklara ang karapatan at entitlements ng PH sa maritime zones nito alinsunod sa itinakdang standards ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Ayon kay NSC spokesperson Jonathan Malaya, ang mga nakapaloob sa Maritime Zones law ay alinsunod sa international law. Tanong pa ni Malaya na kung may batas ang China, bakit hindi pwede sa PH?

Giit pa ng opisyal na pinagtitibay lamang ng ating bansa ang ating mga karapatan kayat naniniwala ito na walang dapat na ikabahala ang gobyerno ng China dahil walang nilalabag na international law ang PH.

Ipinunto din ng NSC official na napakahalaga ng naturang mga batas na nagpapatibay ng ating soberaniya sa ating mga territorial sea, internal waters at archipelagic waters gayundin pinagtitibay nito ang ating economic rights at sovereign rights at hurisdiksiyon sa exclusive economic zone ng ating bansa.

Ginawa ng opisyal ang pahayag kasunod ng inilabas na statement ng China kung saan idineklara nila ang baselines ng territorial sea malapit sa Panatag shoal na tinatawag ng PH na Bajo de Masinloc habang tinatawag naman ng China na Huangyan Dao.

Sinabi ng tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na itinakda at alinsunod umano ang naturang baselines sa international law gaya ng UNCLOS at batas ng China sa Territorial Sea and the Contiguous Zone.

Ginawa naman ng China ang pahayag matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang PH Martime Zones Act at Archipelagic Sea Lanes Act na nagtatakda ng sea lanes para sa mga dayuhang barko sa mga karagatang saklaw ng PH.