-- Advertisements --

Nadadawit ngayon sa malaking isyu ang mga otoridad mula Wuhan, China dahil sa di-umano’y pagtatago ng mga ito sa mahahalagang detalye tungkol sa naranasang coronavirus outbreak ng naturang lugar.

Ayon kay Dr. Zhong Nanshan, senior medical adviser ng Chinese government, nanatili umanong tikom ang bibig ng mga otoridad sa Wuhan makaraang pumutok ang balitang dito nagsimula ang outbreak ng sakit.

Hindi rin daw sinabi ng mga ito ang totoong bilang ng mga taong infected sa naturang probinsya.

Kwento ni Zhong, naghinala na raw ito noong makitang 41 lamang ang bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus sa Wuhan sa loob ng 10 araw.

Ito’y sa kabila nang patuloy na pagtaas ng confirmed cases ng COVID-19 mula sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.

Nakapagtala ang China ng mahigit 82,000 coronavirus cases at 4,633 ang nasawi.