-- Advertisements --

Pinatatawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, kasunod ng umano’y gentleman’s agreement sa pagitan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng China.

Sinabi ng Punong Ehekutibo na hindi malinaw at walang alam ang kaniyang administrasyon ukol sa umano’y “gentleman’s agreement.”

Dahil dito, pina-summon ni Pang. Marcos si Ambassador Huang upang bigyang linaw ang nasabing usapin.

Sa ngayon hinihintay na lamang ang pagbabalik bansa ni Huang mula sa Beijing.

Nais mabatid ng Pangulo kung sino ang kausap, ano ang pinag-usapan at ano ang naging kasunduan at kung ito ba ay opisyal o personal na usapan dahil walang record na nagpapatunay hinggil dito.

Binigyang-diin ng Pangulo na kung walang record o dokumento ibig sabihin sikreto ang ginawang pag-uusap.

Sinabi ng Pangulong Marcos nakapagtataka kung bakit ginawa itong sikreto kaya hindi ito isang magandang sitwasyon.

Hindi lubos maisip ng Presidente kung bakit kailangan mag permiso ng Pilipinas sa China gayong ang nasabing lugar ay sakop sa teritoryo ng bansa na bahagi ng exclusive economic zone (EEZ).

Aniya, mahirap sundan ang nasabing kasunduan kaya nasabi niyang “horrified” siya sa nasabing kasunduan kung totoo man ito.